Mar 02, 2018 at 01:44 am

Wefillaos·Monday, February 26, 2018

Update posted by Mary Joy Araneta Bautista

HELP BRING MARK SIOSE HOME #OFWinDistressLaosThailand

Wefillaos·Monday, February 26, 2018

(Vientiane, Laos) Isa si Ginoong Mark Jayron Araneta Siose sa mga volunteer ushers sa pagpupulong ng Filipino Community ng Laos sa Pangulong Rody Duterte nang dumalo ito para sa ASEAN Summit noong Setyembre, 2016. Kasama ng mga organizers ay ilang linggo din nila itong pinaghandaan at sa itinakdang araw, kahit na nga gabi pa ang event, umaga pa lamang ay nasa ballroom na ito at masayang tumulong sa mga final arrangements.

Kasama siya kahit sa panahon pa lamang ng kampanya kaya’t ganoon na lamang ang kanyang galak nang sa wakas makaharap na ng personal at paunlakang maka-selfie pa ang kanyang mga iniidolo. Matapos ang event, hindi matapos tapos ang bidahan at salita ng paghanga ni Mark laluna kay dating senador, ngayo’y Kalihim ng Department of Foreign Affairs Republic of the Philippines na si Sen. Allan Peter Cayetano dahil napakabait daw nito at mapagpakumbaba. Gaya ng mga kapwa Pilipinong dumalo din sa okasyon mula pa sa ibat ibang probinsiya ng Laos, makaharap lang ang Pangulo, sampu ng delegasyon nito lagi din niyang sinasabi na, “mukhang mas madali silang lapitan at buo ang tiwala kong mas hangad nila ang kapakanan nating mga Overseas Filipino Workers.

Tulad ng karamihan ng mga OFW sa bansang ito, si Mark ay isa ding guro (na karamihan din ay kundi galing sa Visayas region ay taga Mindanao, si Siose ay taga Zamboanga) at ayon sa mga kasamahan, kaibigan at kakilalang nakapanayam ng Wefillaos, bukod sa magaling ay napaka-masayahing tao at napaka matulungin nito.

Subalit sa kasamaang palad, ilang buwan lang matapos ang pagdalaw ng Pangulo ay nagkaroon siya ng blood clot sa ulo at kailangang agad maoperahan. Sa tulong ng mga kaibigan at kasapi ng Filipino Community, nagkaroon ng patak-patak/fund raising upang makatulong sa mga gastusin sa ospital. Rumesponde na rin ang Embahada ng Pilipinas sa Laos at inilapit na ang kaso ni Mark sa kinauukulan. Napag-alaman na may malubha na pala siyang cancer at hindi pa maaaring bumyahe sa eroplano dahil bukas pa ang kanyang bungo. Nadagdagan pa ang mga operasyon nitong 2017 subalit napakabilis din ng paglaki ng kanyang tumor sa utak at sa sobrang agresibo nito ay tuluyan na itong ma comatose bago matapos ang taong 2017. Nitong February 7, 2018 ay diniklara na siyang “clinically dead” na sinundan pa ng “brain dead” subalit nanatiling naka life-support system hanggang sa pagdalaw ng Wefillaos nitong Sabado (Feb 24, 2018) kasama sina Dr. Nadet Gonzales, Pastor Aaron Inventor (na isa ring RN) Jefferson Mercado Montalbo (isa pang RN) Joel Wayne Arconado Ganibe (Patnugot ng Fil-Mekong Media Volunteers Network) ka-gurong si Corynthia Vijandre, si Vice Consul VC Iris Caranzo.

Matagal na ding ipinaabot ng Embahada ng Pilipinas sa Laos ang apela in Mark Siose at ng kanyang pamilya upang matulungan sana ng DFA sa lumobo nang mga bayarin sa ospital at nang maiuwi na sana si Mark sa Pilipinas.

Bilang OFW ay dapat matulungan ng DFA si Mark. Ayon sa Republic Act 8042, “distressed nationals, who are defined as OFWs who have valid medical, psychological, or legal assistance problems requiring treatment, hospitalization and counseling, can avail ATN’s services."

Sa section 24 ng nasabing batas, binuo ang DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) na siyang “primarily responsible for the provision and over-all coordination of all Assistance to Nationals (ATN) and legal services to all overseas Filipinos in distress and their families through the Foreign Service Posts (Philippine Embassies/Consulates).

Kamakailanlang ay siniguro ng Department of Budget and Management Kalihim Benjamin Diokno na sapat ang pondo at nabanggit pa ang Php 13B contingency fund kung magkulang pa ang itinaas na sa PhP 1B pondong itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dating P400 miliion lamang.

Umabot sa aming tanggapan na ang sagot daw diumano mula sa Department of Foreign Affairs Republic of the Philippines ay “maghanap muna ng iba pang mapagkukunan (Look for other sources)” na sa aming palagay ay nakakagulat at nakakadismaya sa harap ng mga naunang balita tungkol sa ATN. Nanawagan po kami sa kay Kalihim, Alan Peter Cayetano, kay SP Koko Pimentel, Presidential Communications (Government of the Philippines), sa mga kapanalig natin sa Senado DU30 News, DU30 Correspondents, Kasama Ng Pangulo sa Pagbabago at maging sa mga kasamahan pa sa media tulad ni Raffy Tulfo in Action, kasamang Dexter Joie Ganibe, Sipatng Bayan, Ellaine Fuentes, Raffy Tima, Henry Uri, at sa social media colleagues naman na sina MJ Quiambao Reyes, Rocky Gonzales, upang maiparating ang aming pakiusap sa Pangulong Duterte ng tulong sana para kay Mark Siose. Nagawa na po ng Filipino Community ang aming magagawang paraan. Sa liit ng aming mga hanay, hindi po mkami nagpapabaya sa mga kasama ngunit sadyang maliit ang aming kapasidad.

PS: Habang isinusulat ito ay nakaabot sa amin na tuluyang nang namayapa si Mark Jayron Araneta Siose dakong 1:45 ng hapong ito. Ipinaabot po namin ang aming buong pusong pakikiramay at dasal na matugunan ng ating mahal na Pangulo ang ating munting paki-usap. Buong tiwala tayong hindi niya nalilimutan ang mga Pilipino sa Laos sapagkat may espesyal na puwang tayo sa kanyang puso.

Back to campaign page